2 bangkay nilagay sa balikbayan box, itinapon sa QC
MANILA, Philippines - Dalawang bangkay ng lalaki na pawang mga nakasilid sa magkahiwalay na balikbayan boxes ang natagpuan sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ayon kay Quezon City Police District’s Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) Chief Insp. Rodel Marcelo, tulad ng mga naunang tinatapong bangkay, wala ring pagkakakilanlan ang mga biktima na pawang nakitaan ng sugat sa leeg na indikasyon na pinatay sa pamamagitan ng pananakal.
Isinalarawan ang isa sa mga bangkay na nasa pagitan ng edad 35-40, nakasuot ng asul na t-shirt at short pants, may taas na 5’5’’, moreno, may tattoo ng Commando sa kanang hita, at Alvarez at Saturnino sa likuran. Habang ang isa namang bangkay ay nakasuot ng orange na t-shirt at itim na six pocket short, 5’5’’ din ang taas, at may tattoo ng Lando at Hercules sa kanang braso.
Sa ulat ni PO2 Alvin QuiÂsumbing, nadiskubre ang mga bangkay sa tabi ng Brgy. hall ng Lourdes sa kahabaan ng Calamba St., malapit sa panulukan ng Cordillera St., ng nasabing barangay, ganap na alas-5:30 ng umaga.
Sa imbestigasyon, bukod sa mga sugat sa leeg ng mga biktima, napapaluputan pa ang mga katawan ng mga ito ng alambre.
Sabi ng pulisya, posibleng sa ibang lugar pinaslang ang mga biktima at itinapon lamang sa bahagi ng Quezon City upang iligaw ang pagsisiyasat ng mga awtoridad.
- Latest