Operasyon ng MRT, natigil dahil sa sirang riles
MANILA, Philippines - Pansamantalang natigil kahapon ang operasyon ng Metro Rail Transit (MRT) dahil sa bitak sa riles.
Ayon kay MRT director for operations Renato San Jose, ang bitak sa riles ay namataan sa pagitan ng Boni Station at Shaw Boulevard Station.
Dahil dito, pansamantalang itinigil ang biyahe mula sa Shaw Boulevard Station patungong Taft Avenue Station para makapagsagawa ng kaukulang pagkumpuni.
Sinimulan ang repair dakong alas-6:50 ng umaga na nagtagal ng mahigit isang oras bago bumalik sa normal ang operasyon ng alas-8:00 ng umaga.
Nabatid na naapektuhan din maging ang operasyon sa northbound lane ng MRT dahil walang daraanan ang mga tren pabalik.
Sinabi naman ni MRT General Manager Al Vitangcol na pansamantalang solusyon lamang ang kanilang isinagawa sa bitak sa riles.
Ani Vitangcol, ngayon gabi ay magsasagawa ng thermal welding ang maintenance crew ng MRT para ayusin ang nabitak na bahagi ng riles.
- Latest