Family driver kalaboso sa P5.9-M alahas at perang ninakaw sa amo
MANILA, Philippines - Himas-rehas ngayon ang isang family driver matapos na umano’y tangayin nito ang aabot sa P5.9 milyong halaga ng mga alahas at pera sa bahay ng kanyang amo sa Quezon City, iniulat kahapon.
Si Jayson Santos, 25, ay inaresto ng awtoridad base sa reklamo ng kanyang among negosyante na si Maria Garcia, 60.
Ayon kay PO2 Roldan Cornejo, inirekomenda ni inquest prosecutor, Diovie M. Calderon, ang pagsasampa ng kasong qualified theft laban sa naturang driver.
Nangyari ang pagnanakaw noong Agosto 20, ganap na alas- 8:30 ng umaga sa loob ng condominium unit ng bahay ng biktima na matatagpuan sa Panay Avenue, Brgy. South Triangle. Hindi na naÂrekober ang isang diamond necklace (P2 million), dalawang diamond rings (P2.5 million), dalawang diamond bracelets (P1.3 million), isang bracelet (P50,000) at P180,000 cash.
Nabatid ng pulisya na si Santos at Garcia ay kapwa mula sa bayan ng Sta. Rita, Pampanga.
Si Santos ay nagta-trabaho bilang family driver sa loob ng dalawang taon sa biktima.
Sinasabing nang gawin ng suspect ang insidente ay nasa loob ng comfort room ng kanyang kuwarto ang negosyante nang makita niya ang una na nagmamadaling lumabas mula sa kuwarto.
Tinawag pa ng biktima ang suspect, pero hindi ito tumugon at nagtatakbo papalabas.
Dito na napuna ng biktima na ang kanyang mga gamit ay nawawala, dahilan para agad siyang humingi ng tulong mula sa security guard ng condominium na nagpayo sa suspect na bumalik sa kanyang amo.
Matapos nito ay bumalik sa condominium ang driver kung saan kinompronta siya ng negosyante tungkol sa nawawala niyang gamit.
Itinanggi naman ni Santos na siya ang kumuha sa pagsasabing nasa loob siya ng kuwarto ng amo para linisin ito. Pero hindi naniwala ang amo at nagpasyang ireklamo na lamang siya sa pulisya.
- Latest