Taxi driver namaril: 1 patay, 1 pa sugatan
MANILA, Philippines - Isang mekaniko ang nasawi, habang isang negosyante naman ang sugatan makaraang pagbabarilin ng isang taxi driver dahil sa umano’y away trapiko sa lungsod Quezon, kamaÂkalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Ronan Michael Rosete, 27, ng Brgy. Holy Spirit; habang sugatan naman ang isang Marcos Rialubin, 35, ng Brgy. Batasan Hills ng nabanggit na lungsod.
Natukoy naman ang suspect sa alyas na Tahe, taxi driver ng Benchukoy taxi (UBZ-936) na mabilis na tumakas makaraan ang krimen. Ayon kay PO2 Roldan Cornejo, bago ang pamamaril, si Rialubin at ang taxi driver ay nagtalo hingil sa sira ng sasakyan ng una.
Hindi naman malinaw sa pulisya kung paano nasangkot ang dalawang partido sa away sa trapiko kung saan nagasgasan at nayupi ng taxi ang Tamaraw FX ni Rialubin. Nangyari ang insidente sa may San Simon St., Brgy. Holy Spirit, ganap na alas-7 ng gabi.
Ayon sa testigong si Jeffrey de Dios, bago ang insidente nagtalo umano sina Rialubin at Tahe kaugnay sa nasabing sira ng Toyota Tamaraw FX ng una. Sa kainitan ng pagtatalo, biglang umalis ang suspect at kinuha ang kanyang baril sa loob ng nakaparada niyang taxi, saka pinagbabaril ang mekanikong si Rosete na nanood lamang sa kanilang away mula sa loob ng shop na tinamaan sa ulo at sikmura.
Sumunod nito, pinuntahan ng suspect si Rialubin na nasa loob ng shop at binaril sa tagiliran, bago tuluyang tumakas sakay ng kanyang taxi. Kapwa itinakbo ang mga biktima sa FEU hospital kung saan ideneklarang patay si Rosete, ganap na alas-12:15 ng madaling araw, habang si Rialubin naman ay patuloy na ginagamot dito. Tugis na ng awtoridad ang nasabing suspect.
- Latest