Mga pulis tinangkang suhulan ng P10-M ni Princess Rasuman
MANILA, Philippines - Tinangka umanong suhulan ng P10 milyon ng mga kapamilya ng inarestong si Princess Aliah Tomawis Rasuman ang hepe ng Pasay City Police-Special Operations Unit na dumakip sa kanya upang mapakawalan siya.
Ito ang ibinulgar ni P/Chief Insp. Ernesto Vera Eco, Jr., hepe ng SOU, kung saan tinanggihan niya ang alok na malaking halaga ng pera nang ihain niya at ng mga tauhan ang warrant of arrest na inilabas ng Cagayan De Oro City 10th Judicial Region.
Nananatili naman sa tanggapan ng SOU si Princess at hindi pa mailipat sa regular na piitan para maprotektahan rin umano ang seguridad nito makaraang dumagsa ang mga nagsasabing naloko ng multi-milyong “pyramiding scam†ng mga Rasuman.
Sinabi ni Pasay City Police chief, Sr. Supt. Rodolfo Llorca, umabot na umano sa 50 na biktima ng scam ang dumating sa Pasay Police headquarters at nais makaharap si Princess. Hindi naman umano nila pinipilit ang suspek na si Princess kung ayaw nitong harapin ang sinuman na nais siyang kausapin.
Inaasahan na maibibiyahe na nila si Princess sa Cagayan De Oro City upang ipasa ang kustodiya sa korte sa susunod na linggo. Naabisuhan na umano nila ang sala ni Judge Vicente Rosales sa pamamaÂgitan ng sulat ukol sa pagkakadakip kay Princess at naghihintay pa ng opisyal na tugon buhat dito.
- Latest