Parak na dawit sa Edsa bombing, tiklo
MANILA, Philippines - Matapos ang mahigit 2 taon, naaresto na kahapon ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group – ang isang pulis na sangkot sa malagim na Edsa bus bombing na kumitil ng buhay ng 5 katao habang 16 pa ang nasugatan noong Enero 2011.
Kinilala ni PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., ang inarestong suspect na si PO2 Arnold Mayo, miyembro ng PNP-Special Action Force (PNP-SAF).
Ayon kay Cerbo, si Mayo ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Makati City Regional Trial Court kaugnay ng pagkakasangkot sa malagim na pambobomba sa Newman Goldliner Bus sa pagitan ng Buendia at Ayala sa kahabaan ng EDSA sa lungsod ng Makati noong Enero 25, 2011.
Nabatid na ang suspek ay nasa ilalim ng kustodya ng PNP-SAF sa Camp Bagong Diwa na isinailalim sa restrictive custody kaugnay ng pagsabog sa isang junkshop sa Taguig City noon namang Enero 25, 2012.
Sa nasabing insidente ay namatay ang apat katao, dalawa rito ay kasamahang pulis ni Mayo na kinabibilangan ni PO2 Elizalde Bisaya habang walo pa ang nasugatan.
- Latest