Kaso ng pulis vs kolumnista, ibinasura
MANILA, Philippines - Ibinasura ng Manila City Prosecutor’s Office ang kasong grave threat at attempted homicide na isinampa ng dating pulis laban sa isang kolumnista noong Biyernes dahil sa kawalan ng sapat na merito.
Sa isang pahinang resolusyon ni Assistant City Prosecutor Rodolfo Azucena Jr., wala umanong nakitang probable cause upang iakyat sa hukuman ang mga kaso na isinampa ng dating pulis na si Benjamin Abad laban kay Alex Balcoba ng People’s Brigada.
Nag-ugat ang kaso nang samahan ni Balcoba ang ilang pulis-Maynila noong Hunyo 18, 2012 sa kinaroroonan ni Abad sa Oroquieta St., Sta. Cruz, Maynila upang arestuhin ito dahil sa pagdadala ng baril.
Kinuhanan pa umano ni Balcoba ng mga larawan si Abad, sanhi upang sampahan niya ito ng kaso.
Gayon pa man, sinabi ng piskalya na ang pagkarekober ng mga pulis ng baril kay Abad nang arestuhin ito ay pagkumpirma lamang sa pahayag ni Balcoba sa mga pulis .
Wala rin namang nakitang dahilan ang piskalya para sampahan ng kasong attempted homicide si Balcoba dahil ginagampanan lamang nito ang tungkulin bilang reporter nang kunan ng larawan si Abad habang inaaresto.
- Latest