Apela ng pamilya Ella: Positibong resulta sa imbestigasyon, bago ilibing si Nicole
MANILA, Philippines - Hiling ng pamilya ni SteÂphanie Nicole Ella na bago sana maihatid sa huling hantungan ang bata sa darating na Sabado ay malutas na ang kaso nito at mahuli na ang responsable sa krimen.
Ayon sa tiyuhin ng biktima na si Marvin, magiging magaan sa kanilang kalooban at lalu na sa mga magulang ng kanyang pamangkin kung kanilang ipapabaon ang katarungan bago pa man ihatid ang labi nito sa Sanctuario de Paz sa Norzagaray Bulacan.
Patuloy umano silang umaasa na makikilala na ng pulisya kung sino ang nagpaputok ng kalibre .45 na baril na nakatama sa kanyang pamangkin at nagsanhi sa kamatayan nito.
Nagpasalamat din ang tiyuhin ni Ella sa mga isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan dahil sa mga pagsisikap ng mga awtoridad sa pagtukoy sa taong nagpaputok ng baril. Samantala, umabot sa 32 katao ang nagmamay-ari ng kalibre .45 ang natukoy ng mga pulis na nakatira malapit sa bahay ng biktima at kalapit na barangay.
Ayon kay Sr. Supt. Rimas Calixto, Chief of Police ng Caloocan City, galing ang mga pangalan at listahan sa tanggapan ng Firearms and Explosives Division ng Philippine National Police sa Camp Crame at pawang ang mga may-ari ng baril ay nakatira lamang sa tatlong barangay na 180, 185 at 186.
Ang 32 gun owners umano ay kanilang iimbitahan upang malaman kung may tutugma sa slug ng bala na nakuha sa ulo ng batang biktima.
Ayon pa kay Calixto, malaki ang maitutulong ng isasagawang ballistic test sa mga gun owners sa tatlong nabanggit na barangay upang tuluyan nang malutas ang kaso ni Nicole.
Muli nagbabala si Calixto na ang sinumang gun owners na hindi papayag na isailalim ang kanyang kalibre .45 na baril sa pagsusuri ay irerekomenda nito ng kanselasyon ng lisensya sa tanggapan ng FED.
Samantala, hawak na rin ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDGÂ) ang kasong pagkamatay sa ligaw na bala ni Nicole Ella sa Caloocan City sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ito ang kinumpirma kahapon ni PNP Chief Director Alan Purisima sa gitna na rin ng patuloy na operasyon at pagsisikap ng iba’t-ibang law enforcement agency na matukoy ang salarin na nakabaril sa batang si Ella.
Sinabi ni Purisima na nagsimula ng magsagawa ng ‘parallel investigation’ ang PNP-CIDG upang makapaÂngalap ng mga karagdagang detalye sa mabilis na ikalulutas ng kaso ng pagkamatay ng batang biktima.
Una rito, pumasok na rin sa kaso ni Nicole ang National Bureau of Investigation (NBI) nitong nagdaang Biyernes.
Samantalang kamakailan ay natukoy ng PNP-Crime Laboratory na pinaputok sa distansyang 50 meter radius ang bala ng cal. 45 pistol na tumama sa kaliwang bahagi ng ulo ni Ella.
- Latest