30 pamilya nasunugan dahil sa sky lantern
MANILA, Philippines - Aabot sa 30 pamilya ang nawalan ng tirahan sa pagsisimula pa lamang ng 2013 matapos na masunog ang kanilang bahay sa Brgy. Commonwealth, Quezon City kahapon.
Tumagal ng isang oras bago maapula ang apoy sa 15 kabahayang nasunog, ayon kay P/Senior Supt. Bobby Baruelo.
Umabot naman sa P.3 milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy kung saan nagsimula ang sunog bandang ala-1:05 ng madaling-araw at naapulan naman bandang ala-1:50 ng madaling-araw.
Sinisisi ng mga residente ang pagpapalipad ng sky lantern na bumagsak sa isa sa bahay kaya sumiklab ang sunog.
Samantala, dalawang palapag na bahay ni Dr. Salvador Torres sa Cambridge St. sa Brgy. E. Rodriguez ang nasunog kahapon.
Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog hanggang sa maapula ganap na alas-12:52 ng madaling-araw.
Tinatayang aabot sa P1 milyon halaga ng ari-arian ang naabo.
Kaugnay nito, isang pampasaherong bus naman ang nagliyab sa may Edsa kahapon ng umaga.
Ayon kay Baruelo, ang Malanday Metrolink Bus (TWK-431) ay namataang naglalagablab ganap na alas-2:30 ng madaling-araw sa may south-bound lane ng EDSA malapit sa Mega Q-Mart.
Wala nang naabutang sakay ang bus nang rumesponde ang mga bumbero kung saan sinasabing electric wiring ang naging ugat para masunog ang bus.
- Latest