Arestadong robbery suspect, sangkot sa pamamaslang sa negosyante — QCPD
MANILA, Philippines - Isang notorious na robbery suspect na isinasangkot sa dalawang holdapan kamakailan ay itinuturo na siyang pumatay sa isang negosyante na tinangayan pa ng kanyang sports utility vehicle (SUV) matapos ang pamamaril.
Si Charlie Mamalayan, 27, ay itinuturo na siyang gunman sa pamamaril kay Genesis Olbedencia, 36, ng Brgy. Commonwealth.
Noong gabi ng Oktubre 16, si Olbedencia ay pinagbabaril dakong alas-11:25 ng gabi kahit na ito ay nagtangkang tumakbo sa apat na kalalakihan na nagtakas sa kanyang bagong Mitsubishi Montero sa may panulukan ng Don Fabian at Bacer Streets.
Ayon kay SPO4 Alan dela Cruz, hepe ng theft and robbery section ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, mayroon silang tatlong testigo na positibong nakakilala kay Mamalayan bilang gunman sa insidente.
Ang tatlong testigo na pawang mga barangay tanod sa Bgy. Commonwealth ay nagtungo sa QCPD-CIDU Biyernes ng gabi at positibong itinuro ang suspect, dagdag pa nila na natatandaan anya nilang si Mamalayan ang huling sumakay sa SUV ni Olbedencia.
Nagawa pang makatakbo ng biktima papalayo pero tumimbuwang din ito dahil sa mga tama ng bala, habang ang apat na kasamahan ng suspect naman ay tinangay ang kanyang SUV.
Bukod kay Mamalayan, isa pang robbery suspect na iniuugnay kay Mamalayan ang itinuturo sa insidente.
Base sa pahayag ng mga testigo, ayon kay Dela Cruz, si Christopher Castillo ay isa sa dalawang lalaki na nakitang naghihintay sa lugar at nagtatanong sa direksyon, bago ang pagdating ni Olbedencia.
- Latest