500 bus binigyan ng special permit ng LTFRB para makabiyahe
MANILA, Philippines - Umaabot sa 500 Metro Manila buses ang napagkalooban ng special permit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang makabiyahe sa mga probinsiya ngayong Pasko at Bagong Taon.
Ayon kay LTFRB Chairman Jaime Jacob, ang special permits na epektibong nagsimula noong December 18, 2012 at tatagal hanggang Enero 6, 2013 ay naglalayong mapunan ng mga Metro Manila buses ang kakulangan sa mga provincial buses na maghahatid-sundo sa mga mananakay na tutungo sa kani-kanilang mga lalawigan para doon ipagdiwang ang holiday season.
Palagiang naipagkakaloob ng LTFRB ang special permits sa mga bus na walang ruta sa mga lalawigan sa tuwing may mga malakihang okasyon tulad ng Pasko at Bagong Taon sa bansa.
Bago mabigyan ng special permit, dumaan muna sa pagbusisi ang mga bus kung intact ang kanilang franchise at sumailalim sa roadworthiness check ang mga sasakyan.
Hanggang kahapon, dagsa ang mga pasahero sa mga bus terminals sa QC partikular sa Araneta Center sa Cubao para makaabot na makarating sa kanilang mga lalawigan na hahabol sa kapaskuhan.
- Latest