Pang-Christmas party ng QCPD, ipinamigay sa Pablo victims
MANILA, Philippines - Nakalikom ng aabot sa kalahating toneladang second-hand na damit at mga grocery items ang Quezon City Police District (QCPD) bilang tulong na ipamamahagi sa mga biktima ng bagyong Pablo.
Ayon kay QCPD director Chief Supt.Mario O. dela Vega, bagama’t maliit na bagay ang tulong na ibinahagi ng kanilang pamunuan, madudugtungan naman nito ang pangangailangan ng mga nabiktima ng nasabing bagyo.
Bukod dito, magbibigay-daan din para sa kanilang mga tauhan na ibukas ang kanilang isipan na sa halip na humingi ay makakabuti ang tumulong sa mga nangangailangan kahit sa kaunting bagay lamang.
Nauna rito, nagpalabas ng memorandum si Dela Vega hinggil sa hindi pagkakaroon ng Christmas party para sa buong kagawaran, sa halip ay itulong na lamang ang makukuha nilang pondo para sa biktima ng Pablo.
Samantala, bukod sa tulong ng QCPD, nagbigay tulong din ang buong grupo ng QCPD press corps sa pamumuno ni Almar Daguilan ng mga damit at mga grocery items para sa biktima ng Pablo.
- Latest