Lolo, apo patay sa sunog sa Quezon City
MANILA, Philippines — Isang lolo at kanyang apo ang nasawi sa sunog na sumiklab kamakalawa ng hapon sa Novaliches, Quezon City.
Hindi na makilala pa ang mga biktimang sina Ernesto Macapagal, 70 at 17-anyos na apong babae, kapwa residente ng Tagumpay St., Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.
Batay sa pagsisiyasat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nagsimula ang sunog bandang alas 4:30 ng hapon sa bahay mismo ng mga biktima sa nabanggit na address.
Ayon sa saksing si Evelyn de Guzman, napansin niyang nasusunog ang bahay ng mga biktima kaya agad siyang humingi ng tulong sa barangay at tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Rumesponde naman ang nasa 32 fire trucks sa pangunguna ni FSupt. Froilan Guzman hanggang sa maapula ang sunog bandang alas-6:23 ng gabi.
Dito na tumambad ang sunog na sunog na katawan ng mga biktima.
Nasa 10 bahay ang nadamay sa sunog habang 15 pamilya ang nawalan ng tirahan.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
- Latest