Zaldy Ampatuan babasahan na ng sakdal
MANILA, Philippines - Tuloy na tuloy na ngayong araw ang pagbasa ng sakdal kay dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Zaldy Ampatuan kaugnay ng kasong multiple murder hinggil sa 2009 Maguindanao massacre.
Ito ayon kay Quezon City-RTC Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes ay dahil wala naman siyang natatanggap na mosyon hanggang kahapon na humihiling para huwag ituloy ang arraignment kay Zaldy .
Kahapon ay nagpalabas na si Judge Solis-Reyes ng kautusan sa warden ng QC Jail-Annex sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig upang dalhin si Zaldy sa korte ngayong alas-9 ng umaga sa QC-RTC extention office sa Taguig.
Una rito, nagpasya na si Judge Solis-Reyes na itakda ang pagbasa ng sakdal kay Zaldy dahil nakapagpasya na ang Court of Appeals (CA) at Supreme Court (SC) na ituloy ang arraignment dito. Unang humiling ang kampo ni Zaldy sa sala ni Judge Solis-Reyes na ipagpaliban ang arraignment sa kanya dahil may naka-file silang mosyon sa CA at SC para sa pagbinbin sa arraignment sa alegasyon na wala siyang kinalaman sa kaso pero sa huli nakakita ng ebidensiya ang korte na nagdidiin dito sa kaso.
Si Zaldy ay ika-82 akusado sa Maguindanao massacre at anak ni dating Maguindanao governor Andal Sr. ang sinasabing utak ng krimen at ang kapatid na si dating Datu Unsay Mayor Andal Jr.
- Latest






















