Sanggol patay sa dagan ng ina
MANILA, Philippines - Naging trahedya ang dapat sana’y masayang panganganak ng isang ginang makaraang masawi ang sanggol nito na hinihinalang nadaganan niya sa kanyang pagtulog, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Hinihintay pa ng mga imbestigador ng Pasay City police ang resulta ng isasagawang pag-awtopsiya sa lalaking sanggol na tatlong linggo pa lamang naisisilang upang matukoy kung ano ang sanhi ng ikinamatay nito.
Ayon kay Chief Insp. Joey Goforth, hepe ng Investigation Division ng Pasay police, kakausapin rin nila ang mag-asawang Ernales Ramos, 18 at Julius Obias, 19, naninirahan sa Area-C, Chest Clinic Compound, Tramo upang tanungin kaugnay sa nangyaring pagkamatay ng kanilang anak.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Simon Respicio, Jr. pinasuso pa ni Ernales ang anak bago sila natulog kamakalawa ng gabi subalit dakong alas-4 ng madaling-araw ay napuna nilang hindi na kumikilos ang bata.
Isinugod pa ng mag-asawa sa San Juan De Dios Hospital ang kanilang anak subalit idineklarang patay na nang idating sa naturang pagamutan.
Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat na posibleng nadaganan ang ilong ng sanggol at hindi ito nakahinga dahil nakatagilid ang ginang nang pasusuhin ang anak hanggang makatulugan na ang pagpapadede.
- Latest