Bitay, hiling ibalik ng pamilya ni Julie Ann
MANILA, Philippines - Hiniling sa pamahalaan ng naulilang pamilya ng modelong si Julie Ann Rodelas na maibalik na ang death penalty sa bansa upang higit na mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng mga karumal-dumal na krimen tulad ng kanilang kaanak.
Ayon kay Alvin Rodelas isa sa mga kapatid ng biktima,hanggang sa kasalukuyan ay hirap pa ring tanggapin ng kanilang ina na si Luz ang pagkawala ni ‘Jaja” (Julie Ann) matapos itong matagpuan tadtad ng tama ng bala sa ulo at katawan sa 18th Avenue, Cubao, Quezon City noong Nobyembre 6 dakong alas-5:15 ng madaling-araw.
“Sana kung puwede lang maibalik ang death penalty sa ating bansa at kung ano ang ginawa nila sa kapatid ko ganyan din ang gawin sa mga pumaslang sa kanya,” ayon kay Alvin.
Dahil sa pangyayari, halos araw-araw umanong umiiyak ang kanilang ina na hindi matanggap ang kaawa-awang sinapit ng anak na ang nagplano pa umano ay ang matalik na kaibigan na si Althea Altamirano na itinuring rin nilang kaanak.
Ngayong araw ng Sabado, dakong alas-8:30 ng umaga, nakatakdang ihatid sa huling hantungan ang mga labi ni Jaja sa Golden Heaven Memorial Park sa Sucat, Las Piñas City. Eksakto alas-8:00 ng umaga ilalabas ang mga labi ni Jaja mula sa kanilang bahay sa Bagong Lipunan St., CAA Las Pinas City at dadalhin muna sa Mary Queen Parish Church bago dalhin sa himlayan nito.
Inaasahan naman na mahigpit na seguridad ang ipatutupad ng Las Piñas City Police na nagtalaga ng 24 oras na bantay sa burol ni Jaja makaraang may umaali-aligid umanong kahina-hinalang katao sa burol ng biktima.
- Latest