MANILA, Philippines - Kasado na ang seguridad na ipatutupad sa isasagawang 2012 Bar Examination sa University of Santo Tomas (UST) na magsisimula bukas (Oktubre 7).
Ayon kay Manila Police District (MPD) director, Chief Supt. Alex Gutierrez, nakaugnayan niya ang pamunuan ng Supreme Court (SC) hinggil sa set-up ng seguridad at napagkasunduan na ang NBI ang magbabantay sa loob ng UST habang sa labas at palibot ng unibersidad ay ang mga tauhan ng MPD.
Magtatalaga rin ng dalawang tauhan ng MPD sa bawat gate ng UST.
Ito’y bilang paghahanda at maiwasan ang karahasan tulad ng naganap noong 2010 Bar Examination sa labas ng De La Salle University (DLSU) sa Taft Ave., Maynila.
Kaugnay nito, nakiusap naman si Gutierrez sa mga fraternity ng mga law school na iwasan na ang pagsasagawa ng bar operations upang hind maging mitsa sa kantiyawan na maaaring mauwi sa kaguluhan.
Pinayuhan din ni Gutierrez ang mga law school fraternities na gayahin na lamang ang ginawa nila noong nakalipas na taon na nagtipon sa ibang lugar para doon na lamang salubungin ng suporta ang pagdating ng mga kasamahan sa grupo na kumuha ng exams.
Idaraos sa loob ng apat na araw ng Linggo ngayong buwan ang nasabing pagsusulit.