MANILA, Philippines - Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng isang vendor ang isang 62-anyos na helper sa palengke ng Paco, Maynila kamakalawa ng gabi.
Sa report ni MPD homicide police Elmer Dimagiba, tsismis ang dahilan ng pagpatay ni Generoso Bernardino, 33, ng Sitio Wella, Merville Parañaque sa biktimang si Jose Menes, ng 1942 F. Muñoz St., Paco.
Nabatid na alas-7:00 ng gabi naganap ang insidente sa Pasilio 8 ng Paco Market kung saan nakita ng suspect ang biktima na nagwawalis sa nasabing pasilio saka pinagsasaksak gamit ang isang butcher knife na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.
Tinangka ng suspect na tumakas subalit mabilis na napalibutan ng mga barangay tanod kaya naaresto.
Nag-ugat ang insidente nang itsismis sa suspect ng isang kakilala na inaakusahan umano siya ng biktima na nagnanakaw ng mga tindang manok sa palengke.
Dahil dito inunahan ng suspect ang umano’y plano ng biktima.