Pinagmalupitan din daw 1 pang dating katulong ng mga Marzan, lumutang

MANILA, Philippines - Lumutang kahapon ang isa pang dating katulong ng mag-asawang Reynold at Anna­liza Marzan na nagmaltrato ng ka­tulong para tumestigo sa patung-patong na kasong kina­kaharap ng mga ito.

Ayon kay PAO head Atty. Persida Rueda Acosta, nabuhayan sila ng loob dahil ang paglutang ni Evalyn Tanael ay magpapalakas sa mga ebidensiya nila kaugnay ng kaso ng mag-asawang Marzan.

Sa ibinigay na salaysay ni Tanael, sinabi nitong taong 1999 na noon ay 14-anyos pa lamang siya nang kunin ng pamilyang Marzan mula sa kanilang probinsiya sa Siquijor para maging katulong nila.

Anya, nakaranas din siya ng kalupitan kay Annaliza tuwing nagkakamali sa gawain at kinukurot siya sa iba’t ibang parte ng katawan at ang hindi niya makakalimutan ay nang ipainom sa kanya ang isang galong tubig nang mapabayaan ang inaalagaang anak ng mag-asawang Marzan dahilan para isang oras siyang mahilo at magsuka.

Natapos lamang anya ang kanyang kalbaryo noong taong 2000 nang ipatubos siya sa kanyang pamilya sa halagang P1,000.

Show comments