Not guilty plea, pinasok ng mag-asawang nagmaltrato ng katulong

MANILA, Philippines – Not guilty plea ang ipinasok ng mag-asawang nagmaltrato sa kanilang dating katulong sa Quezon City Regional Trial Court kahapon.

Hindi na binasahan ng sakdal ni QCRTC branch 77 Judge Hermano Legaspi ang mag-asawang sina Reynold at Anna Liza Marzan kaugnay ng kasong serious illegal detention at grabeng pananakit matapos maghain ng isang waiver si Atty. Jess Fernandez, abogado ng mag-asawa na humihiling na payagan ang mga kliyente na makapagpiyansa para sa pansamantalang kalayaan ng mga ito.

Sa nasabing arraignment, pilit pa ring itinanggi ng mag-asawa ang akusasyon ng dating katulong nilang si Bonita Baran at sa halip ikinatuwiran nito na ang mga sugat na tinamo umano ni Baran ay “self inflicted” na ibig sabihin ay kagagawan din anila ito ni Baran bagay na kinontra ng huli at pinagtibay ang kanyang mga naunang testimonya.

Kumpiyansa naman si Atty. Persida Acosta, hepe ng Public Attorneys Office (PAO) at siya ring tumatayong abogado ni Baran na sapat at matibay ang kanilang hawak na ebidensiya upang madiin ang mag-asawa sa naturang kaso.

Sinabi pa ni Acosta, may darating pa silang mga testigo na dating naging katulong ng mga Marzan na magpapatunay sa anila’y kalupitan ng mag-asawa sa kanilang mga katulong bagama’t sa hawak nila ngayong ebidensiya ay sapat na ito.

Lumilitaw na mahigit sa isandaan ang sugat at peklat na nakita sa katawan ni Bonita Baran dulot ng pananakit sa kanya ng mag-asawa.

Kaugnay nito, itinakda naman ng korte sa darating na Sept. 21 ang gagawing pagdinig sa petition for bail na inihain ng kampo nina Marzan.

Show comments