MANILA, Philippines - Nagbanta ang militanteng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ng malawakang tigil-pasada dahil sa kawalang aksyon ng pamahalaan hinggil sa patuloy na pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo.
Ayon kay Piston National President George San Mateo, hindi na nila matiis ang patuloy na pagbibingi-bingihan ng Malakanyang sa kanilang hiling na aksyunan ang serye ng oil price hike kaya’t tuloy na ang kanilang nationwide transport holiday sa pagpasok ng buwan ng Setyembre.
Partikular anyang ikinaiirita ng kanilang samahan ang bagong 75 sentimong taas sa kada litro ng diesel. Ang petrolyong gamit ng mga passenger jeepney.
Kahapon ng alas-10:30 ng umaga ay isang patikim na noise barrage ang ginawa ng samahan sa harap ng City Mall sa Philcoa sa Quezon City para kondenahin ang naturang oil price hike.
Binigyang-diin ni San Mateo na kahit na deregulated ang industriya ng langis sa bansa, may mahahanap na paraan ang pamahalaan na maibaba ang halaga ng produktong petrolyo kung may ‘political will’ ang mga ito.
Una rito, niliwanag naman ni San Mateo na hindi hihirit ng dagdag pasahe ang kanilang samahan sa LTFRB dahil ang maliliit na mamamayan lamang ang maaapektuhan nito sakaling humingi ng fare hike sa jeep.