MANILA, Philippines - Tatlo-katao kabilang ang isang kawani ng Pasay City Hall ang iniulat na nasawi matapos mamaril ang grupo ng kalalakihang lango sa alak sa bahagi ng F. Victor St. sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Idineklarang patay sa Pasay City General Hospital sina Jeremy Resurreccion, 26, ng #10 F. Victor St., Pasay City at alyas Paul Bakla ng Macopa St. sa nasabing lungsod habang nasawi rin sa Manila Adventist Medical Center si Jomel Flores, 32, may asawa, ng #2464 M. Dela Cruz St., Pasay City, miyembro ng MCT-Mayor Clean Team ng Pasay City Hall Office.
Ayon sa pulisya, si Flores na sinasabing lango sa alak ay kasama ng ilang armadong kalalakihan na namaril kina Resurrecion at Bakla.
Sa report ng natanggap ni P/Senior Supt. Melchor V. Reyes, hepe ng Pasay City PNP, bumibili ng sigarilyo sa tindahan si Jeremy nang dumating ang grupo ni Flores kabilang ang isang barangay official na hindi binanggit ang pangalan.
Dito na namaril si Flores at ang mga kasamahan hanggang sa tamaan ang dalawa bago nagsitakas ang grupo ni Flores.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek kung saan nalaman na si Flores ay may tama rin ng bala ng baril kaya isinugod ito sa Manila Adventist Medical Center subalit hindi na umabot nang buhay.
Sa teorya ng pulisya, isa sa kasamahang senglot ni Flores ang nakabaril sa kanya na sinasabing paghihiganti sa grupo ni Jeremy ang isa sa motibo ng pamamaril.
Tinutugis naman ng pulisya ang mga suspek kabilang na ang isang nagngangalang Jayvee “Jabong” Avila.