Mister iniwan ng pamilya nag-overdose

Manila, Philippines -  Nagpakamatay sa pamagitan ng pag-inom ng iba’t ibang klase ng gamot ang isang 42 -anyos na mister ma­tapos itong maburyong nang iwanan siya ng kanyang pamilya dahil sa pagkalulong nito sa droga sa Sta Ana, Maynila.

Hinihinalang may ilang oras nang patay si Rommel Su­bida, walang trabaho ng San Roque St., Sta Ana, Maynila.

Sa report ni PO3 Rodel Benitez ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-7:00 ng umaga nang madiskubreng patay ang biktima sa loob ng kanilang bahay. Binisita umano ng asawang si Myrna ang mister at nasorpresa nang makitang wala ng buhay.

Iniwan umano ni Myrna ang mister at binitbit ang anak, dahil sa pagkalulong nito sa droga. Dalawang beses na umanong nadala sa rehabilitation center ang nasawi pero lalo pa umanong lumala.

Nakuha sa lugar ang sari-saring gamot at basyo na hinihinalang ininom nito. Inaalam din kung may naganap na foul play sa pagkamatay nito.

Show comments