MANILA, Philippines - Tinatayang nasa P122 milyong halaga ng pekeng Louis Vuitton products ang kinumpiska ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagsalakay sa apat na bodega at tindahan sa Maynila kamakailan.
Bunsod ito ng reklamong inihain ng Mayank Vaid, kinatawan ng Louis Vuitton na dagsa sa ilang shopping centers ang mga peke o imitasyon ng kanilang produkto, kaya’t agad sinuyod ng NBI ang mga tindahan sa ilang shopping centers sa Maynila.
Kabilang sa sinalakay ang bodega sa 5th floor ng 660 THK Tower, Yuchengco St., Binondo, Maynila; 5/F and 6/F, P. Gomez Commercial Center, Quiapo, Maynila; at mga bodegang nasa F-45b at F-62 4/F, 11/88 Shopping Mall, sa Reina Regente St., Binondo, Maynila na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng mga may-ari.
Kabilang din dito ang Stalls 1B-9, 1B-11 at 1B-14, G/F sa 11/88 Shopping Mall, Reina Regente St., Binondo, Maynila. Nakakuha ng search warrant sa Manila RTC Br. 24 ang NBI na ginamit sa operasyon.
Umabot sa 2,111 Louis Vuitton products tulad ng mga bag, belts, wallets ang nakumpiska at isinampa na rin ang reklamong paglabag sa RA 8293 laban sa operator o may-ari ng mga nasabing establisyemento.
Dahil dito, mula lamang Enero ng taong kasalukuyan, kinumpirma ng NBI na may P401.2 M halaga na ng mga produkto ang nasamsam na pawang may kaugnayan sa Intellectual Property Rights Code.