2 parak sinibak sa puwesto, dahil sa jueteng collection

MANILA, Philippines - Dalawang pulis ang sinibak sa kanilang puwesto at inilipat sa Autonomous Region and Muslim Mindanao dahil sa umano’y paggamit sa pangalan ni DILG Secretary Jesse Robredo sa koleksyon ng jueteng payola.

Kinilala ang mga ito na sina PO2 Angelito “Bebit” Aguas, nakatalaga sa PNP Criminal Investigation and Detection Group at PO1 William Cajayon, nakatalaga sa NCRPO-Quezon City Police District. Sila ay inilipat sa Basilan PNP Provincial Office. 

Ang dalawa ay sinibak sa utos ni PNP chief Gen. Nicanor Bartolome matapos atasan ni Robredo na magsagawa ng imbestigasyon bunga ng mga impormasyon at text messages na natanggap ng kalihim hinggil sa iligal na aktibidad ng dalawa.

Pero kahit nasa PNP-ARMM na ang da­lawa, pinababantayan pa rin ni Robredo sa mga opisyal sa lugar ang aktibidad ng mga ito upang masiguro umano na sumasailalim sa tamang pagdidisiplina at moral value recovery trainings mula sa kanilang mga superiors.

Inakusahan si Cajayon sa umano’y pag-iikot sa mga KTV bars at sauna massage parlor sa Metro Manila at nangongo­lekta ng pera, para umano proteksyon sa Inter-Agency Council and Anti-Trafficking (IACAT) office na pinamumunuan ni Vice President Jejomar Binay at Justice Secretary Leila de Lima.

Habang si Aguas naman ay inakusahan ng umano’y umaakto bilang kolektor ng jueteng payola ng isang opisyal sa PNP- CIDG at PNP NCRPO, at ginagamit din umano ang pangalan ni Robredo para kumolekta o mangotong ng pera sa mga gambling lords.   

Show comments