Binata binutasan ng bala ang mukha

MANILA, Philippines - Butas ang mukha na tumagos sa likod ng ulo nang ba­rilin ang isang out-of-school youth ng hindi pa kilallang lalaki­ habang naglalakad sa Port Area, Maynila, kamaka­lawa ng hapon.

Dead on the spot ang biktimang si Mark John Rabuya, 18, ng Block 6, Lot 19, New Site Baseco Compound Port Area, Maynila sanhi ng dalawang bala na tinamo sa mukha.

Inilarawan lamang ang salarin sa edad na 34-anyos, may taas na 5’6, kayumanggi, nakasuot ng kulay green na t-shirt at pantalon na mabilis na tumakas matapos na barilin ang biktima. Dakong alas-5:00 ng hapon nang maganap ang pamamaril sa biktima sa harap ng Lot 12, Block 23, New Site, Baseco Compound Port Area.

Nabatid na naglalakad sa lugar ang biktima nang lapitan ito ng suspect at agad na pinaputukan sa mukha ng dalawang beses na tumagos naman sa likurang bahagi ng ulo nito at iniwang nakabulagta.

Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa tunay na motibo sa pamamaslang.

Show comments