MANILA, Philippines - Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang konduktor na sanhi ng agaran nitong kamatayan matapos itong maipit sa tumagilid na pampasaherong bus na kanyang pinaglilingkuran sa Quezon Avenue Flyover lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang nasawi na si Cyril Gupa. 27, binata, konduktor ng Cher Transport at residente ng Pacita Complex San Pedro Laguna.
Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang driver ng bus na si Anastacio Pulan, 61, at residente ng Brgy. San Antonio, Biñan, Laguna. Bukod dito, bahagya ding nasugatan ang may 13 pasahero ng bus.
Lumilitaw na nangyari ang insidente sa kahabaan ng EDSA-Quezon Avenue, Brgy. Philam sa lungsod ganap na alas-2:05 ng madaling-araw habang tinatahak ng Cher bus (PXM-167) ang EDSA nang pagsapit sa flyover sa naturang lugar ay biglang tumama ang tagiliran nito sa railings sanhi para tumagilid at bumuwal.
Sa pagbuwal ng bus ay tiyempo umanong nasa estribo si Gupa sanhi para maipit ito at magtamo ng matinding pinsala ang kanyang katawan at masawi.