MANILA, Philippines - Nadakip na ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang matagal nang pinaghahanap na babaeng swindler na nakapambiktima sa maybahay ni Senator Tito Sotto na si Helen Gamboa at isa pang celebrity hair stylist ng tinatayang P15-milyong halaga ng mga alahas.
Kahapon ay iniharap sa media ni NBI officer in charge Atty. Nonnatus Cesar Rojas ang naarestong suspect na si Francesca Lim Santiago, 40, ng BF Homes, Parañaque City, habang pinaghahanap pa ang asawa nitong si Benjamin Lacson Santiago, 40, alyas “Benjo”.
Batay sa report, modus umano ng mag-asawang suspect na kaibiganin ang kanilang bibiktimahin, na inaakala nilang may mga alahas. Kasunod nito ay bibilhan nila ng alahas at babayaran sa pamamagitan ng tseke.
Kapag nakuha na ang loob ay hindi na umano good check ang matatanggap ng mga biktima at kung magsitalbog na umano ang tseke ay saka na magtatago si Francesca at ang mister naman ay nagkukunwaring nakikipagtulungan sa mga awtoridad.
Umabot ang natangay na halaga ng alahas mula kay Gamboa ng P8-milyon habang nasa P7-milyon umano sa celebrity hair stylist na si Eric Pe Benito at milyun-milyong halaga pa sa ibang nabiktima.
Hindi na umano inakala ni Gamboa na masusukol pa ang nasabing swindler na noon pang 2006 kinasuhan.