4 na pumuga sa Mandaluyong jail, sumuko

MANILA, Philippines - Apat sa 10 preso na tumakas sa Mandaluyong City Police detention cell ang nagsisuko na sa pulisya dahil sa takot na lumaki pa ang kanilang kaso at maging daan pa ng kanilang kamatayan.

Sinabi ni Senior Supt. Armando Bolalin, hepe ng Mandaluyong City Police Station, na pinakahuling sumuko si Mark Louie Burilla, 24, na may kasong robbery.

Una nang nagsisuko sa pulisya ang iba pang preso na sina Valentino Gianan, 29, may kasong vagrancy; Henry Andrade, 19, at Gabriel Gonzales.

Dakong alas-10:00 ng gabi nitong Lunes nang sumuko si Burilla sa Mandaluyong police makaraang unang lumapit kay Armando Enaje, Chairman ng Barangay 598 sa Sta. Mesa, Manila. Sinabi ni Enaje na mas ninais ni Burilla na sumuko na lamang sa takot na mapatay pa siya ng mga pulis sa oras na masumpungan. Mas ligtas pa umano siya sa loob ng selda kaysa sa labas na laging kakaba-kaba.

Kasalukuyang pinaghahanap pa naman ang anim pang pugante na sina Reynaldo Elligo, Joel Capule, Rolando Palmenco, Rommel Abarca, Mark Agujo at Melgar Quinones, na pawang nahaharap sa mas mabibigat na kaso sa iligal na droga at pagnanakaw.

Show comments