MANILA, Philippines - Sugatan ang 34 na katao matapos sumalpok ang isang pampasaherong bus sa isang pader sa Makati City kahapon ng umaga.
Habang sinusulat ang balitang ito, inaalam pa ng mga pulis ang pangalan ng mga biktima na mabilis na dinala sa iba’t ibang ospital.
Sa inisyal na report na natanggap ng Makati City Police Traffic Enforcement Unit, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-8:00 at alas-9:00 ng umaga sa South-bound lane ng EDSA Avenue, Brgy. Bangkal ng nabanggit na siyudad.
Nabatid na minamaneho ni Manuel Mabago, ang isang New Man Gold Liner (TXR-847) na biyaheng Baclaran-SM Fairview at pagbaba ng fly-over ay nawalan ng preno ang naturang bus, dahilan upang sumalpok ito sa isang konkretong pader ng Unisia Merchandising Incorporated.
Dahil sa lakas nang pagkabangga ay gumuho ang pader, dahilan upang madaganan ang nakaistambay na anim na empleyado ng naturang kompanya.
Bukod sa pagiging sugatan ng anim na empleyado, sugatan din ang 28 pasahero ng nabanggit na bus kabilang ang driver na si Mabago.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang nasabing insidente.