MANILA, Philippines - Pinagtibay na ng Quezon City Council ang isang ordinansa na nagbabawal sa paggamit ng plastic at styrofoam sa mga espesipikong lugar sa lungsod upang mapagtagumpayan ang kampanya sa maayos na pagtatapon ng basura at mapangalagaan ang kalusugan ng mamamayan.
Sa ilalim ng napagtibay na Ordinance 2127 na iniakda ni 3rd District Councilor Gian Carlo G. Sotto partikular na pinagbawalang gumagamit ng plastic at styrofoam ang Quezon City Hall Complex, Novaliches District Center, Quezon City General Hospital at Novaliches District Hospital gayundin ng mga ambulant vendors at concessionaires dito.
Gayunman, maaari namang magamit ang plastic bags bilang packaging material sa mga wet goods pero dapat hindi ito bababa sa kailangang kapal na 15 micron ng plastic.
Bawal ding gamitin ang styrofoam bilang packaging container sa mga food produce at iba pang produkto na ibebenta na gagamitin ito bilang packaging materials para sa mga dry goods. Angie dela Cruz