MANILA, Philippines - Bago makapagtrabaho sa malalaking kumpanya, sasabak muna sa pagtuturo sa mga pampublikong paaralan ang mga nagtapos na iskolar ng Department of Science and Techonology (DOST).
Ayon sa Department of Education (DepEd), nakasaad sa kanilang scholarship agreement na kapag nakatapos ang isang iskolar sa kanilang kurso ay kinakailangan na magturo muna ito sa pampublikong paaralan sa kanilang lugar para mabayaran ang katumbas na taon ng kanilang pagiging iskolar.
Upang mabigyan ng prayoridad ang mga iskolar, naglabas ang DepEd ng Memorandum Circular No. 55 Series of 2012 kung saan uunahin ang pagbibigay ng puwesto sa kanila sa mga paaralan.
Sinabi ni Education Secretary Armin Luistro na mapupunan ng mga DOST scholar ang pangangailangan sa mahusay na guro sa Science at Mathematics.
Kasalukuyang may 143 na nagtapos na iskolar ang DOST na maaari nang magturo sa taunang pampaaralan sa 2012-2013.
May mga “major” ang mga ito sa Physics, Physical Science, Chemistry at Mathematics sa iba’t ibang unibersidad sa bansa.
“Our eyes are set on them because they have the proper training and are better equipped to teach the sciences — a very critical input for our students,” paliwanag ni Luistro.
Sa kabila nito, kailangan pa rin umanong pumasa sa Licensure Examination for Teachers ng mga DOST scholars bago makapagturo.