2 Chinese tiklo sa 2 kilo ng shabu
MANILA, Philippines - Dalawang Chinese na bigtime drug trafficker ang inaresto ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group-Special Reaction Unit (PNP-CIDG-SRU) kasunod ng pagkakasamsam sa may 2 kilo ng shabu sa isinagawang drug-bust operation sa Malabon City, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao ang mga nasakoteng suspect na sina Antonio Go, alyas Ting, 52, ng McArthur Highway, Malabon City at Hua Shi, 24, ng Jose Abad Santos St., Binondo, Manila.
Ang mga ito ay nasakote bandang alas-7 ng gabi noong Miyerkules habang sakay ng Ford Everest SUV (ZAK 237) sa panulukan ng McArthur Highway, Brgy. Potrero, Malabon City.
Nabatid na nagsasagawa ng surveillance operation ang CIDG-SRU hinggil sa umano’y pagkakasangkot sa gunrunning ni Go nang masakote at masamsaman sa loob ng sasakyan ng isang cal. 45 pistol, isang cal 22 magnum revolver at umano’y tatlong malalaking plastic bag na naglalaman ng shabu.
Samantala, dahilan sa pinagdududahang dami ng shabu na nasamsam sa nasabing operasyon ay sinibak ni Pagdilao sina Chief Inspector Edgar Batoon at Sr. Inspector Ricardo Luciano, na namuno sa operasyon. Hinihinalang higit pa umano sa 2 kilo ng shabu ang nakumpiska na nabigong ideklara ng nasabing mga opisyal sa kanilang report bagaman binanggit na may nasamsam silang shabu.
Sa press statement na ipinalabas ni Pagdilao kahapon, inatasan nito si Criminal Investigation and Detection Division (CIDD) Chief Sr. Supt. Elmo Sarona na pamunuan ang fact finding investigation upang mabatid kung nagkaroon ng iregularidad sa search operations kabilang na ang hindi pagdedeklara ng tamang timbang sa nakumpiskang shabu sa mga suspect.
- Latest
- Trending