MANILA, Philippines - Muli na namang nagparamdam ang kilabot na grupo ng ‘Dugo-dugo gang’ matapos na umatake sa lungsod Quezon at biktimahin ang isang babaeng negosyante na natangayan ng may P1.5 milyon na halaga ng alahas at $500 cash, ayon sa pulisya kahapon.
Ang insidente ay nabatid makaraang dumulog sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD ang biktimang si Ma. Teressa Escueta, 59, at residente ng Brgy. East Kamias sa lungsod.
Kasabay nito, nagbabala si CIDU chief Insp. Rodel Marcelo sa mga residente na mag-ingat lalo na sa mga may katulong na bigyan ng tamang impormasyon ang mga ito hinggil sa modus operandi ng grupo.
Sa pagsisiyasat, nangyari ang insidente ganap na alas-3 ng hapon nang isa umanong nagpakilalang Cynthia Isaac ang tumawag sa bahay ng biktima at sinagot naman ng kasambahay ni Escueta na si Lorna Unlayao.
Nagpakilala umano si Isaac kay Unlayao na malapit na kaibigan ni Escueta at sinabi nito na naaksidente ang kanyang amo. Dito ay nakumbinsi ng caller si Unlayao na kunin ang pera at mga alahas na isang cabinet sa kuwarto ni Escueta at dalhin sa South Supermarket sa may Malinta, Valenzuela.
Ginawa naman ito ng katulong pero pagdating sa lugar ay isang hindi nagpakilalang babae ang kumuha ng bag na naglalaman ng pera at alahas at sinabihan si Unlayao na maghintay lamang sa lugar.
Ilang sandali pa ay nagduda na ang kasambahay kung saan tinawagan ang kanyang amo at doon niya napag-alaman na hindi totoo ang lahat. Patuloy naman na iniimbestigahan ng pulisya ang nasabing kaso.