MANILA, Philippines - Isang 26-anyos na call center agent ang nasawi makaraang maipit sa dalawang dambuhalang bus matapos mahulog habang siya ay papasakay sa isa sa mga ito sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon kay SPO4 Henry Se ng Traffic Sector 3 ng Quezon City Police District, nakilala ang biktima na si Calixtro Phil Gualdrapa, ng Block 9 Lot 8 C1 Francisco Homes, San Jose Del Monte, Bulacan.
Si Gualdrapa ay naipit sa pagitan ng Malanday Metrolink bus (TWM-162) at RBM Grand Rally Transit bus (UVB-133) na naganap sa kahabaan ng north-bound lane ng EDSA malapit sa Gen. Roxas Avenue sa Cubao, ganap na alas-3:15 ng madaling araw.
Sinabi ni Se, nangyari ang insidente sa ilang metro ang layo sa inilaang bus loading bays. Nabatid na ang biktima ay sumakay sa hulihang pintuan ng RBM bus na minamaneho ng isang Melenio Agota, nang mangyari ang insidente.
Tinangka umano ng RBM na mag-overtake sa Malanday bus na minamaneho ni Romeo Sarmiento, 36, na huminto sandali sa harapan niya habang ang biktima ay papasakay pa lamang.
Nang ang RBM bus ay umandar ng matulin sa kaliwang tabi ng Malanday bus, si Gualdrapa, na papasok pa lamang sa pintuan ay sumabit ang strap ng bag nito sa Malanday bus.
Dahil dito, nakaladkad ang biktima papalabas ng pintuan saka naipit ang katawan nito sa dalawang mga bus na nagresulta sa matinding pinsala ng kanyang katawan.
Nagawa pang mai-rescue ng mga taga-Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang biktima at itinakbo sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) pero idineklara din itong dead-on-arrival.
Ang driver ng Malanday Metrolink bus na si Sarmiento ay nasa kustodiya na ng pulisya habang hinihintay pa ang paglutang ng driver naman ng RBM bus, na si Agota na mabilis na nawala sa lugar makaraan ang insidente.
Ayon pa kay Se, kapwa nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang dalawang driver ng bus dahil sa insidente.