Sekyu, holdaper todas sa armored van holdap

MANILA, Philippines - Patay ang isang security guard at isang miyembro ng grupo ng mga holdaper na nagtangkang mangholdap sa isang armored van na puno ng pera sa loob ng isang mall sa Muntinlupa City kahapon ng umaga.

Namatay kaagad ang guwardiyang si Elmer Tagol nang tamaan ng bala sa likurang bahagi ng katawan habang sugatan din at isinugod sa Alabang Medical Center ang kasamahan niyang guwardiya na si Elmo Toreda. Ang dalawa ay mga miyembro ng Gallantry Security Agency.

Nakilala naman sa pa­ma­magitan ng nakuhang driver’s license ang napa­tay na suspect na si Venancio Pioquinto, tubong Ozamis City.

Sa ulat ng Muntinlupa City Police, naganap ang insidente dakong alas-11:15 ng tanghali sa labas ng Alabang Town Cen­ter. Nakatakda umanong magdeliber ng malaking halaga ng salapi sa isang money changer sa loob ng mall ang armored van na binabantayan nina Tagol nang sumulpot ang mga suspek lulan ng mga motorsiklo.

Agad na nagdeklara ng holdap ang mga salarin ngu­nit pumalag sina Tagol at Toreda kung saan nagkaroon ng palitan ng putok ng baril.

Dito nasawi sina Tagol at ang suspek na si Pioquinto habang sugatan si Toreda.

Napilitan naman ang ibang suspect na agad na tumakas kung saan nabigo ang mga ito na mata­ngay ang malaking halaga ng salapi na lulan ng van.

Agad namang ipinag-utos ng pulisya ang manhunt operations sa mga suspek habang inaalam kung anong grupo ang mga sumalakay.

Show comments