MANILA, Philippines - Pinasisibak sa serbisyo ni Manila Mayor Alfredo Lim ang pulis na responsable sa paghaydyak sa isang van na naglalaman ng iba’t ibang produkto na nagkakahalaga ng P2.4 milyon matapos na maaresto ng mga tauhan ng Manila Police District kamakailan sa Sampaloc, Maynila.
Kahapon ay iniharap ni Lim sa mga mamamahayag si PO1 Sherwin Casauran alyas Killua, 33, ng Geronimo St., Sampaloc, Maynila at nakatalaga sa RPHAU-NCRPO, Camp Bagong Diwa Taguig City at apat pang kasamahan nito na sina Rodrigo Peralta, 34, alyas Butchoy; Nico Manlapaz, 19; Alfredo Dimapilis, 42; at Elias Villamen, 45.
Positibong itinuro ng truck driver ng Real Time Movers na si Federico Soriano at helper na si Gerald Ballesteros sina Casauran at Peralta na humarang sa kanila sa Balintawak EDSA, sa Quezon City noong Enero 28.
Nagsilbi namang katulong nina Casauran at Peralta sina Manlapaz, Dimapilis at Villamen sa paglilipat ng mga hinaydyak na produkto.
Naniniwala si Lim na may mataas pang kasabwat si Casauran sa kanyang operasyon.