Pulis-NCRPO, 4 pa tiklo sa P2.5-M hijacking

MANILA, Philippines - Malaking tulong ang global positioning system (GPS) sa pagka­kaaresto ng limang hijacker kabilang ang isang pulis na sinasa­bing lider ng hijacking group matapos marekober ang 10-wheeler truck na naglalaman ng halos P2.5 milyong halaga ng kargamento sa isinagawang ope­rasyon sa Sampaloc, Maynila noong Lunes at Martes.

Kinilala ang mga suspect na sina PO1 Sherwin Casauran, nakatalaga sa National Capital Region Police Office-Regional Personnel Holding and Accounting Unit sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig, ng #567 Geronimo Street, Sampaloc, Maynila; Ro­drigo “Butchoy” Pe­ralta, 34, family driver, ng M. dela Fuente, Sam­paloc, Maynila; Nico Manlapaz, 19; Alfredo Dimapilis, 42;  at si Elias­ Villamer na pawang nakatira sa V. Cruz, Sampaloc, Maynila­.

Base sa police report ni P/Supt. Rolando Balasabas, hepe ng Manila Police District-Station 4, noong Enero 28 ng umaga hinarang ng dalawang unipormadong pulis na sakay ng itim na Honda Civic ang truck ng kargamento nina Federico Soriano at Gerald Ballesteros na kapwa tauhan ng Real Time Movers and Logistic Inc.

Iginapos sina Soriano at Ballesteros saka inabandona sa bahagi ng Montalban, Rizal kung saan nakahingi naman ng tulong sa mga pulis ma­tapos makahulagpos sa pagka­kagapos.

Kaagad namang natunton ang hinaydyak na kargamento matapos mamonitor sa ikinabit na GPS sa truck kaya naaresto ang mga suspek habang inili­lipat sa isa pang truck ang mga tinangay na produkto.

Natunton naman ang lider ng grupo na si PO1 Casauran dahil sa plate number at kotse nito kung saan narekober ang ilang gamit ng mga biktima.

Show comments