MANILA, Philippines - Dalawang katao na sakay ng isang ambulansya galing probinsiya ang nasugatan makaraang makabanggaan nito ang isang sports utility vehicle sa panulukan ng Araneta at Del Monte Avenue, SFDM, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kapwa sugatang isinugod sa National Orthopedic Hospital ang mga biktimang sina Onofre Francisco, 35, sakay ng ambulansya ng San Jose Del Monte, Bulacan (SEB-952) habang nawalan naman ng malay ang driver nitong si Roberto Encargis, 45.
Ayon sa pulisya, posibleng nagkalituhan umano ang mga driver ng dalawang sasakyan sa traffic lights sa lugar.
Aniya, naka-go signal umano ang linya ng Toyota Avanza na minamaneho ni Dra. Christine Grace Purpora, 32, ng Brgy. Commonwealth nang salpukin umano siya ng nagmamadaling ambulansya.
Wala namang anumang galos ang doktora na papauwi na sana noon sa kanilang bahay nang maganap ang aksidente.