MANILA, Philippines - Naaresto na ng Parañaque City Police ang lalaking hinihinalang lumapastangan sa puntod nina dating Pangulong Corazon Aquino at dating Senador Ninoy Aquino nang matukoy ang bahay nito sa lalawigan ng Cavite kamakalawa ng gabi. Kinilala ni Parañaque City Police chief Sr. Supt. Billy Beltran ang nadakip na si Mariano Peralta Alganion, nasa hustong gulang. Dinala na ito sa Parañaque City Police at kinukunan ng pahayag.
Sa ulat ng pulisya, inukitan ang puntod ng mag-asawang Aquino na natuklasan nitong araw ng Pasko. Binuhusan din ng suspect ng maitim na langis ang mga puntod at nag-iwan ng isang papel na may nakasulat na mga hindi maintindihang bagay.
Natukoy ng pulisya si Alganion na siyang may kagagawan nito makaraang mahalukay sa kanilang rekord na una na rin itong gumawa ng eksena noong Oktubre 31 nang tangkaing lumapit kay Pangulong Aquino at iabot ang isang dokumento. Nang inspeksyunin ang dokumento, nadiskubre na katulad ng nakasulat dito ang nakalagay sa papel na iniwan ng salarin sa puntod.
Sinabi ni Beltran na inihahanda na nila ang pagsasampa ng kasong malicious mischief laban kay Alganion sa Parañaque City Prosecutor’s Office ngunit kung mapapatunayan naman na may sira sa pag-iisip ito ay posibleng mapawalang-sala sa naturang kaso.