MANILA, Philippines - Isang pulis ang patay habang isa pang kasamahan nito ang sugatan matapos na maka-engkwentro ng mga ito ang walong armadong kalalakihan sa ginawang pagsalakay sa pagawaan ng iligal na paputok sa lungsod Quezon kahapon ng hapon.
Tama ng bala sa ulo ang ikinamatay ni PO2 Bernardo Quintero habang sugatan naman si PO2 Jessie Adajar, kapwa nakatalaga sa QCPD-Station 5. Si Adajar ay kasalukuyang ginagamot sa Far Eastern University Hospital.
Mabilis namang nakatakas ang mga suspect na armado ng M16 armalite makaraan ang engkwentro.
Nangyari ang insidente sa isang compound sa Adrain St., Fermont subdivision, Brgy. North Fairview sa lungsod ganap na alas-12 ng tanghali.
Ayon kay QCPD director Chief Supt. George Regis, isang impormasyon ang natanggap ng PS-5 kaugnay sa umano’y bentahan ng iligal na paputok sa nasabing lugar.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng surveillance ang tropa at nang makumpirma ay saka isinagawa ang nasabing operasyon.
Sakay ng dalawang asian utility vehicle at isang mobile car ay umarangkada ang mga operatiba sa nasabing lugar. Subalit ilan metro pa lamang ang layo ng mga ito sa target na lugar ay nakaantabay na ang may walong suspect sa sentro ng compound.
Pagkababa ng mga operatiba sa kanilang sasakyan ay biglang pinaputukan ang mga ito ng mga suspect dahilan para gumanti ng putok ang mga operatiba at tamaan si Quintero.
Tumagal ng ilang minuto ang putukan, hanggang sa tamaan sa katawan si Adajar. Matapos nito ay agad na nagsipagtakas ang mga suspect habang isinugod naman sa nasabing ospital ang mga sugatang pulis kung saan idineklarang patay si Quintero
Dito na nadiskubre ng kapulisan ang sandamakmak na iba’t ibang uri ng paputok na nagkalat sa nasabing compound, kabilang ang isang 6-wheeler closed van (UVB-408) na puno rin ng paputok.