Welder inutas ng nagselos na mister

MANILA, Philippines - Patay ang isang welder makaraang saksakin ng kanyang galit na kapitbahay nang sumulak ang matinding selos matapos na makitang kasabay ng biktima na kumakain sa isang karinderya ang kanyang misis, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas dakong ala-1:05 ang biktimang si Jose Bodino, 51, binata, ng Bgry. 180, Zone 19, Maricaban bunga ng isang malalim na saksak sa kaliwang bahagi ng tagiliran.

Agad namang nadakip ng mga rumespondeng ba­rangay tanod ang suspek na si Ernesto Sulla, 41, ng Ame­thyst St., ng naturang lugar.

Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Cris Gabutin, naganap ang insidente dakong alas-10:45 ng gabi sa isang karinderya malapit sa Mulawin Basketball Court sa Maricaban, Pasay.

Nabatid na una nang naghinala ang suspek sa relasyon ng biktima at ng kanyang kinakasama na si Rowena Sobrepeña kung saan binalaan na ang huli na tigilan ang pagsama-sama kay Bo­dino. Una na ring binantaan nito ang kanyang misis na pa­patayin si Bodino kapag nakitang magkasama sila.

Nagkataon naman na nakita­ ni Sulla ang live-in partner at ang biktima na mag­kasamang kumakain sa karin­derya kung saan walang sabi-sabing inundayan ng saksak ang huli. Tinangka pang tumakas ng suspek ma­tapos ang krimen ngunit nasakote ito ng mga tanod. Naha­harap ngayon si Sulla sa kasong murder.

Show comments