MANILA, Philippines - Kapwa sugatan makaraang tambangan ang mag-asawang parak ng anim na lalaking lulan sa tatlong motorsiklo sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng hapon.
Kapwa isinugod sa Chinese General Hospital ang mga biktimang sina SPO1 Jerome Alla, 31, nakatalaga sa District Police Special Battalion (DPSB) ng NPD at misis nitong si Jullie Alla, 33, nakatalaga sa Police Community Relations Group ng NPD.
Si Jerome ay natamaan lamang sa braso habang ang misis ay tinamaan sa kaliwang bahagi ng balikat. Habang isinusulat ang balitang ito, kapwa nasa Emergency Room ng nabanggit na pagamutan ang mag-asawa.
Nabatid na dakong alas-3:00 ng hapon nang maganap ang pananambang sa panulukan ng Aurora Blvd. at Pampanga St. sa Sta. Cruz.
Minamaneho ni Jerome ang motorsiklo at angkas ang misis nito nang pagsapit sa lugar ay hinarang ng mga suspect at mabilis na pinaulanan ng putok, at nang mabuwal ang target ay nagsitakas ang mga huli.
Nabatid na ang mga biktima ay may dala umanong malaking halaga ng pera dahil negosyo nila ang pagpapautang sa ilang residente at negosyante o vendor sa Blumentritt, kaya posibleng plano silang holdapin ng mga suspect.