MANILA, Philippines - Apat katao ang inaresto kabilang ang dalawang menor-de-edad na ginamit sa panloloob sa isang auto supply kung saan tinangay ang anim na transmission ng sasakyan sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Itinago ang unang nasakoteng suspect sa pangalang “Jek-jek”, 11; “Nek-nek”, 14; Bombet Navacilla, 38, tricycle driver at ang ama ng 11-anyos na si Romeo Idos, 33, basurero.
Pinaghahanap pa ang sinasabing mastermind sa nakawan na kinilala lamang sa alyas na “Jay-ar” at alyas “Panot”.
Dakong alas-5:00 ng madaling-araw kahapon nang puwersahang pasukin ng mga suspect ang Tanlimco Auto Supply na matatagpuan sa Batangas St., malapit sa panulukan ng Jose Abad Santos Avenue sa Tondo.
Umaga na nang madiskubre ng caretaker ng bodega na si Jeck Fernandez, 46, ang wasak na yero ng pintuan ng bodega. Nadiskubre rin ang nawawalang transmission ng Pregio na nagkakahalaga ng P25,000; apat na transmission ng Starex na nagkakahalaga ng P8,000 bawat isa at isa pang transmission ng 12R na nagkakahalaga ng P12,000.
Nakipag-ugnayan si Fernandez hinggil sa nakasasakop na Barangay 221, Zone 21 Chaiman Arthur Ignacio at nang mapansin ang mga bakas ng tulo ng langis mula sa bodega ay tinunton ang dulo nito papasok sa barung-barong sa Laguna Extn. At doon narekober ang 3 transmission na nawawala.
Umamin ang 11-anyos na suspect na siya ang unang pumasok sa sinirang pintuang yero bago pinapasok sina Nek-nek, alyas Panot at Jay-ar, na humakot sa mga transmission.
Natukoy naman sina Navacilla at si Idos na kasama pa umanong nagbenta sa junk shop ng ninakaw na transmission.