Apo ni Sen. Enrile biktima ng driver na holdaper

MANILA, Philippines - Natangayan ng pera at mga gamit ang apong lalaki ni Senate president Juan Ponce Enrile matapos na holdapin ng taxi driver na kanyang sinakyan sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.

Sa ulat ni Supt. Audie Madrideo, commander ng Quezon City Police Station 2, ang biktima ay si Achilles Ponce Enrile, 32, supervisor ng isang call center at residente ng Ayala Alabang Village, Muntinlupa City. Ayon kay Madrideo, ang biktima na anak ni Rep. Jackie Enrile, 1st District ng Cagayan, ay dinala sa kanilang tanggapan ng mobile patrol car matapos na dumulog dito makaraang holdapin ng taxi driver na natukoy lamang sa taas na 5’9’’ at may tattoo na tatlong tuldok sa kaliwang kamay at ang minamanehong sasakyan ay isang Toyota Vios na may tatak na Romeo at plakang TXB-143 o 148.

Natangay sa biktima ang isang Lacoste wallet na kulay green at naglalaman ng cash money na P4,700, mga ATM cards, dalawang driver’s license, firearm license at Philippine Air Force ID, isang IPAD tablet, isang Blackberry cellphone 8520 model, at pla­tinum wedding ring na may halagang P80,000 hanggang P90,000.

Nangyari ang panghoholdap sa may kahabaan ng EDSA sa Brgy. Sto Cristo, Bago Bantay, sa lungsod ganap na alas-8:15 ng umaga.

Sumakay umano ang biktima sa naturang taxi sa may Robin­son, Boni Avenue branch at nagpahatid sa may Monumento, Caloocan City.

Habang nasa biyahe, dala na rin ng pagod ay naidlip ang biktima at pagsapit sa bahagi ng Cubao ay ginising na lang siya ng suspect ng baril na nakatutok sa kanya at nagdeklara ng holdap. Pagsapit sa Brgy. Sto Cristo, Bago Bantay ay saka nilimas ng suspect ang kanyang gamit.

Makaraang makuha ang lahat ng kanyang gamit ay saka puwersahan siyang pinababa ng suspect at mabilis na pinaandar ang taxi papalayo sa lugar.

Show comments