4 sugatan sa landslide

MANILA, Philippines - Isa ang kritikal habang tatlo pa ang sugatan makaraang matabunan ang isang bahay matapos na gumuho ang lupang kinatitirikan nito kahapon sa Makati City.

Inoobserbahan na sa Ospital ng Makati ang 22-anyos na si Kenny Rose Balerio, may-ari ng bahay na nakatirik sa gilid ng C-5 Road, Brgy. East Rembo ng naturang lungsod.

Nabatid na nabagsakan ng bato sa ulo si Balerio sanhi upang mawalan ito ng malay. Isinugod din sa naturang pagamutan ang tatlo pang biktima kabilang ang isang babae.

Sa nakalap na ulat mula sa Makati Rescue Unit, nabatid na naganap ang pagguho ng lupa pasado alas-2 ng hapon. Dakong alas-3 umano ng hapon nang tumawag ang mga opisyales ng barangay para humingi ng responde.

Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ngayon ng Makati City Police at mga opisyales ng Makati City Hall sa naturang insidente.

Show comments