MANILA, Philippines - Tatlo katao ang inaresto ng pinagsanib na puwersa ng PNP-Anti Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF) at Taguig City Police sa isinagawang buy-bust operation kung saan mahigit sa isang milyong halaga ng shabu ang nakumpiska, kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod.
Nakilala ang mga nadakip na sina Dominador Ninga, 25; kalive-in na si Inee Urdaneta, 28; at Myrna Capio, 52, pawang mga residente ng Brgy. Guadalupe, Makati City. Nakumpiska sa mga ito ang mahigit sa 300 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.5 milyon.
Sa ulat ng pulisya, ilang linggong isinailalim sa surveillance at negosasyon ng mga asset ng AIDSOTF ang mga suspek hanggang sa magkasundo na magbabayaran ng malaking bulto ng iligal na droga.
Dito na nakipagkoordinasyon ang AIDSOTF sa Taguig City Police para sa naturang buy-bust operation sa parking area ng Market Market sa Global City.
Sa kabila naman ng pagkahuli sa akto, tuloy pa rin sa pagpapalusot ang mga suspek nang ikatwiran ni Capio na namamasyal lamang umano siya habang inamin naman ng magka-live-in na napag-utusan lamang sila kapalit ng P20,000 komisyon habang idiniin rin si Capio na siyang negosyador nila.