MANILA, Philippines - Himas-rehas ngayon ang isang dating tauhan ng pulisya at alalay nito sa isinagawang entrapment operation ng Quezon City Police District (QCPD), dahil sa pangongotong sa mga motorista iniulat kahapon.
Kinilala ang mga suspect na sina Jose Igig, 36, dating nakatalaga sa QCPD traffic unit at Mario Dionisio, 36.
Ang dalawa ay inaresto ng tropa ng Station Anti-Carnapping Unit (SACU) ng PS1 matapos na makatanggap ng sunod-sunod na reklamo buhat sa mga motorista kaugnay sa naturang pangongotong na nagaganap sa may kahabaan na A. Bonifacio Avenue sa lungsod.
Ayon sa ulat, ganap na alas-4:20 ng hapon sa kanto ng A. Bonifacio Avenue at Mauban St. Brgy. San Jose sa lungsod.
Nabatid na marami umanong nagrereklamong motorista kaugnay sa ginagawang pangongotong ng mga suspect na nakasuot pa umano ng uniporme ng pulis.
Modus operandi umano ng mga suspect na parahin ang mga motorista at akusahan ng paglabag sa batas trapiko saka hihingan ng pera kapalit ng violation ticket.
Nakuha naman mula sa mga suspect ang dalawang PNP Badge, 20 bala ng kalibre 9mm na baril, dalawang booklet ng Ordinance Violation Receipt (OVR) at isang motorsiklo.
Nahaharap naman sa kasong illegal possession of fire arms, usurpation of authority at illegal use of uniform and insignia ang mga suspect na kasalukuyang nakakulong sa PS-1.