17-anyos ni-rape ng pulis

MANILA, Philippines - Isa na namang pulis ang inireklamo ng panghahalay ng isang 17-anyos na da­lagita sa loob mismo ng Northern Police District (NPD), Caloocan City kamakailan lamang.

Kinilala ni Caloocan City Police chief Sr. Supt. Jude Wilson Santos ang suspek na si SPO1 Joselito Tayag Jr., “alyas Reggie”, nakatalaga sa Northern Police District (NPD)-District Special Operation Unit (DSOU).

Samantala, ang biktima naman ay itinago sa panga­lang Nimfa, isang out-of- school youth at nakatira sa Brgy. 16 ng nabanggit na lungsod.

Lumalabas sa pagsisi­yasat ni PO2 Marissa Santos, ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Caloocan City Police, dakong alas-10:00 ng gabi, noong October 9, 2011 nang maganap ang insidente sa loob ng tanggapan ng NPD-DSOU, na matatagpuan sa Langaray St., Caloocan City.

Sa pahayag ng biktima sa mga pulis, kasalukuyan siyang naglalakad pauwi na ng kanilang bahay nang may biglang huminto na kulay pulang sasakyan sa kanyang tabi.

Agad umano siyang hinatak ng isang lalaki at sapilitang isinakay sa sasakyan saka dinala sa nasabing lugar at ipinasok sa loob ng nasa­bing tanggapan ng DSOU at doon puwersahan siyang ginahasa. Matapos ito ay saka pa lamang siya pinauwi ng suspect.

Kahapon nga ay nagtungo sa nasabing himpilan ng pulisya ang biktima upang magreklamo sa kanyang sinapit.

Sa isinagawang follow- up operation ng mga pulis ay hindi na naabutan pa ng mga ito si Tayag na mabilis nakatakas.

Show comments