MANILA, Philippines - Hinatulan ng habambuhay na pagkakulong ng Parañaque City Regional Trial Court ang isang mag-live-in na nahaharap sa kasong pagtutulak ng iligal na droga matapos na maaresto sa isang buy-bust operation noong taong 2006.
Sa desisyon ni Parañaque RTC Branch 259 Judge Danilo Suarez, napatunayan nitong lumabag sina Raine Husain at Elena Cainoy sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Pinagbabayad din ng hukom ang dalawa ng P.5 milyon bilang danyos.
Sa datos ng korte, nadakip sina Husain at Cainoy noong Mayo 15, 2006 sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. San Isidro, Parañaque matapos na pagbentahan ng 22.94 gramo ng shabu ang isang asset ng pulisya sa naturang buy-bust.
Orihinal na target ng mga pulis ang isang kilabot na tulak na nakilalang si alyas Lita ngunit nalambat ang dalawa makaraang sila ang utusang makipagtransaksyon sa nagpanggap na buyer. Iprinisinta ng pulisya sa korte ang nakumpiskang iligal na droga at ang marked money na ginamit sa transaksyon.
Ibinasura naman ng huwes ang depensa ng dalawa na na-frame-up lamang sila kung saan inaresto sila umano ng mga pulis makaraang tumangging magbigay ng P200,000 lagay. Mas binigyang-diin ng korte ang ebidensyang ipinakita ng panig ng prosekusyon sanhi upang ibaba ang habambuhay na hatol sa dalawang akusado.